Miyerkules, Oktubre 10, 2012

Ang Karanasan Ko sa Kamakailan Lamang na Bagyo


Ang walang tigil na hinagpis ng langit, mga hampas ng hangin, mga sampal ng tubig-baha, at mga yerong tila nagliliparan sa takot – ito ang sumalubong sa akin sa pagdilat ko sa aking mga mata. Napansin ko na sobrang lakas na ng ulan at napagtanto ko na ang nakakagimbal na hanging Habagat ay sumasampal na pala sa aming bubong. Simula noon ay unti-unti nang kumakabog ang aking puso na tila’y humihiwalay sa aking katawan sa takot na kung ano nang nangyayari sa ating bansa. 
Dahil sa mga nakita, dahan-dahan kong binuksan ang telebisyon  para matuldukan na ang mga imahinasyon na tumatakbo sa aking isipan. At doon nanlaki ang mga mata ko sa nakita. May nakita akong mga poste na tila tinutulak ng higante sa bilis ng pagbagsak nito. May nakita din akong mga bahay na tila’y hinahampas ng tubig baha hanggang sa kalaunay nadala na sa kawalan. Nakita ko din ang mga taong tila mga asong tumatahol at humahagulhol sa bubong para humingi ng tulong. Sinubukan kong umalis sa bahay para tumulong sa relief operations, pero hindi ako makalabas sa subdibisyon namin dahil sa kulay tsokolate at tila amoy patay na daga na baha na hanggang bewang na. Wala akong magawa kundi magkulong sa bahay na tila isang preso at magdasal na lang para sa mga kababayang nag-iisang kahig isang tuka. Isang araw, kinailangan na naming lumabas para maghakot ng pagkain dahil para na kaming mga dagang naghahalughog ng mga tira-tirang pagkain sa bahay. Kaya tinahak namin ang tila amoy patay na isdang baha at nilakbay namin ang nakakagimbal at nakakayanig na galit ng hanging Habagat. Akala namin okey na, pero mas namroblema pala kami sa pag-uwi sa bahay. Mas lumala ang pag-akyat ng baha na dati hanggang bewang lang, ngayon naging kapantay na ng dibdib ko. Dahil sa takot na mas lumala pa ang sitwasyon, naging parang palaka kaming lumangoy sa tubigan para lang makabalik sa sariling kinatutuluyan. Pag-uwi sa bahay, tiningnan ko ang sarili sa salamin at nakita kong ako'y tila isang pulubing pakalat-kalat lang sa kalye na hindi naligo ng isang buwan dahil sa dumi at baho ko noon. Napagtanto ko na isa iyon sa mga ala-alang hindi ko kailanman makakalimutan.
Marami akong napulot na aral sa pangyayaring iyon na tila’y isa lang itong pagsubok ng Diyos para tayo’y matutong bumangon at magtiwala sa Panginoon. Isa ito sa mga pangyayaring magsisilbing leksyon sa atin, mga kababayan, para sa kalaunan ay tila eksperto na tayo sa mga gagawin at hindi na manginginig sa takot. Pero sa ngayon, magpasalamat na lang pa rin tayo na buhay tayo at makikita pa natin ang mga kislap ng bituin at mga makukulay na bahag-haring nagpapatunay na buhay tayo at mahal tayo ng Diyos.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento