Miyerkules, Oktubre 10, 2012

Ang Karanasan Ko sa Kamakailan Lamang na Bagyo


Ang walang tigil na hinagpis ng langit, mga hampas ng hangin, mga sampal ng tubig-baha, at mga yerong tila nagliliparan sa takot – ito ang sumalubong sa akin sa pagdilat ko sa aking mga mata. Napansin ko na sobrang lakas na ng ulan at napagtanto ko na ang nakakagimbal na hanging Habagat ay sumasampal na pala sa aming bubong. Simula noon ay unti-unti nang kumakabog ang aking puso na tila’y humihiwalay sa aking katawan sa takot na kung ano nang nangyayari sa ating bansa. 
Dahil sa mga nakita, dahan-dahan kong binuksan ang telebisyon  para matuldukan na ang mga imahinasyon na tumatakbo sa aking isipan. At doon nanlaki ang mga mata ko sa nakita. May nakita akong mga poste na tila tinutulak ng higante sa bilis ng pagbagsak nito. May nakita din akong mga bahay na tila’y hinahampas ng tubig baha hanggang sa kalaunay nadala na sa kawalan. Nakita ko din ang mga taong tila mga asong tumatahol at humahagulhol sa bubong para humingi ng tulong. Sinubukan kong umalis sa bahay para tumulong sa relief operations, pero hindi ako makalabas sa subdibisyon namin dahil sa kulay tsokolate at tila amoy patay na daga na baha na hanggang bewang na. Wala akong magawa kundi magkulong sa bahay na tila isang preso at magdasal na lang para sa mga kababayang nag-iisang kahig isang tuka. Isang araw, kinailangan na naming lumabas para maghakot ng pagkain dahil para na kaming mga dagang naghahalughog ng mga tira-tirang pagkain sa bahay. Kaya tinahak namin ang tila amoy patay na isdang baha at nilakbay namin ang nakakagimbal at nakakayanig na galit ng hanging Habagat. Akala namin okey na, pero mas namroblema pala kami sa pag-uwi sa bahay. Mas lumala ang pag-akyat ng baha na dati hanggang bewang lang, ngayon naging kapantay na ng dibdib ko. Dahil sa takot na mas lumala pa ang sitwasyon, naging parang palaka kaming lumangoy sa tubigan para lang makabalik sa sariling kinatutuluyan. Pag-uwi sa bahay, tiningnan ko ang sarili sa salamin at nakita kong ako'y tila isang pulubing pakalat-kalat lang sa kalye na hindi naligo ng isang buwan dahil sa dumi at baho ko noon. Napagtanto ko na isa iyon sa mga ala-alang hindi ko kailanman makakalimutan.
Marami akong napulot na aral sa pangyayaring iyon na tila’y isa lang itong pagsubok ng Diyos para tayo’y matutong bumangon at magtiwala sa Panginoon. Isa ito sa mga pangyayaring magsisilbing leksyon sa atin, mga kababayan, para sa kalaunan ay tila eksperto na tayo sa mga gagawin at hindi na manginginig sa takot. Pero sa ngayon, magpasalamat na lang pa rin tayo na buhay tayo at makikita pa natin ang mga kislap ng bituin at mga makukulay na bahag-haring nagpapatunay na buhay tayo at mahal tayo ng Diyos.

Linggo, Oktubre 7, 2012

PAGSUSURI NG SINE: "I Do Bidoo Bidoo: Heto nAPO Sila"


Narinig ko ang tungkol sa pelikulang ito mula sa aking kapatid na lalaki, na sinabihan mismo ni Sir Gary Valenciano na panoorin ang pelikula. Nagkaroon ako ng alinlangan noong nagdesisyon ang kapatid ko na itong pelikulang ito ang papanoorin namin pero nagkamali ako – hindi ako binigo ng pelikula kasi sobrang ganda pala nito. Ang “I Do Bidoo Bidoo: Heto nAPO Sila", na idinirehe ni Chris Martinez, ay isang pelikulang musikal na puno ng komedya at drama na nagtatampok ng all-time hits na mga kanta ng Apo Hiking Society. Ang pelikulang ito ay isang kuwento ng buhay at pag-ibig, tulad ng mga kanta ng Apo.
Pinagbibidahan ito nina Rocky Polotan (Sam Concepcion) at Tracy Fuentebella (Tippy Dos Santos), dalawang batang nagpasyang magpakasal matapos ang hindi planadong pagbubuntis ni Tracy. Gayunpaman, ito ay hindi nangangahulugan na ang kanilang mga magulang na sina Rosie at Pol (Eugene Domingo at Ogie Alcasid), magulang ni Rocky at sina Nic at Elaine (Gary Valenciano at Zsa Zsa Padilla), magulang ni Tracy ay hindi makakapagdulot ng malaking problema sa kanilang dalawa. Mas lumalim ang kwento nang nagkukumpetensya at nagkaka-awayan na ang mga pamilya dahil sa pagkakaiba nila sa kanilang social class na nagresulta sa pagkagulo ng isip sa dalawang bata.
Sa pagkanood ko sa pelikula, napansin ko agad ang napakagaling na sinematograpiya ng pelikula. Ang sinematograpiya ng pelikulang ito ay nagpatunay na isa itong pangunahing kadahilanan sa tagumpay ng pelikula. Mas nagkaroon ng katuturan ang pelikula dahil sa sinematograpiya nito. Mas naiintindihan at namamangha ang mga tao dahil sa linaw at ganda ng mga kuha at mas naipaparamdam sa tao kung ano ang gustong maiparamdam ng direktor  at ito ang essence ng pelikula. At kapag napakaganda ng sinematograpiya, minsan nailalagay ng mga tao ang sarili nila sa sitwasyon na pinapakita at hindi ito nakakayamot. Sa "Batang-Bata Ka Pa" na eksena, talagang ako ay namangha sa mga kuha ng camera. Mahusay talaga ito at ang paglipat mula sa isang eksena sa sunod ay sobrang swabe. Naging mas kapani-paniwala ang mga eksena at nakatulong sa pagkaemosyonal ng eksena. Sa eksena naman sa lumang simbahan at kinakanta nila ang “Panalangin”, napakahusay ang pagkakuha ng mga camera shots, ang pagpa-panning ng camera, ang kulay sa mga kuha at ang pagzoom-out. Dahil sa mga kuhang ito, mas nakita ng mga tao ang pagkaimportante ng eksena at ang kagandahan ng background na shot. Sa totoo lang, naipakita sa lahat ng eksena ang kagandahan ng sinematograpiya sa pelikulang ito. Sa lahat ng mga musical numbers, mga visual effects at kahit yung mga normal lang na eksena, naipakita ang pagka-dalubhasa at pagka-malikhain ng isipan ng mga sinematograper. Nabighani talaga ako sa transitions ng mga kuha ng camera. Hindi ko inakalang mga Pilipino ang gumawa nito, nakakabighani naman kasi talaga ang galing nila. Para akong nanonood ng isang banyagang palabas dahil sa galing ng sinematograpiya ng pelikulang ito. 
Kung magiging matapat ako, para sa akin, hindi magiging ganoon ka ganda ang pelikula kung hindi dahil sa napakamahusay na sinematograpiya nito. Pinataas nito ang kalidad ng pelikula at pinatunayan ang kalidad ng mga sinematograper ng ating bansa. Ito siguro ang pinakamagandang Pilipinong pelikulang musikal para sa ngayong taon kaya tamang tama lang na Graded A ng Cinema Evaluation Board ang pelikulang ito. Sobrang naging matagumpay ang unang pelikulang musikal dito sa Pilipinas. Mabuhay ang I Do Bidoo Bidoo: Heto nAPO Sila"!

Ang Pagmamahalang Higit Pa sa Kamatayan


Alas siyete pa ng umaga sa May 30, 2011 nang bigla akong nagising dahil sa malakas na katok sa pintuan ng kwarto ko. Ginigising na pala ako ng mama ko para mag-agahan. Agad-agad naisip ko na anibersaryo nga pala nina mama at papa noon, kaya sa paglabas ko ng kwarto, binati ko kaagad ang aking ina ngunit ang sumalubong sa akin ay mga matang namamaga na dahil sa kakaiyak - ito nga pala ang unang anibersaryo nila na wala na si papa dahil siya’y sumakabilang buhay na. Pagkakita ko sa inay ko noon, naisip ko sa loob-loob ko na madali lang talagang umibig, ngunit ang manatiling umibig sa isang tao ay napaka-espesyal na – hanggang sa pagputi man nang mga buhok o kahit sa pagsakabilang buhay man nang isa. Hindi ko napigil ang sarili ko kaya naitanong ko sa kanya ang tungkol sa kuwento ng pag-iibigan nila ni papa. Tinanong ko; “Ma, paano naging kayo ni papa?”. At doon sinimulan niya ang kaniyang kuwento.


      Si Rolando Casepe ay nakatira sa isang bundok sa Maasin City. Bata pa lang nagtatrabaho na siya para tumulong sa kinabukasan ng kanilang pamilya. Napakabait niya na tao, napakamagalang at may malaking takot sa Diyos. Naging student-worker siya para makamit ang kaniyang hangad, ang makapag-aral. Si Sonia Mole naman ay nakatira sa Hinundayan, Southern Leyte.  Dahil sa kagustuhan ng kanyang mga magulang na mag-aral siya sa isang prestihiyosong paaralan, pinalipat siya sa Maasin City. At sa isang kidlap, pareho na silang nag-aaral sa Saint Joseph College at una silang nagkita sa varsity team bilang mga atleta sa nasabing paaralan. Si Rolando ay isang basketball player at si Sonia naman ay sa track and field, partikular sa hurdles. Napansin kaagad ni Rolando ang galing ni Sonia kaya’t nilapitan niya ito para magpakilala at katulad ng ibang kwentong pag-ibig, nagsimula sila bilang matalik na magkaibigan. Simula noon, sa bawat kompetisyon, palagi na silang magkasama at sa tuwing magkasama sila, unti-unti ng nahuhulog ang loob nila sa isa’t isa. Dahil hindi na mapigilan ni Rolando ang nadarama, pinagtapat niya ito kay Sonia at doon nagsimula ang pagliligawan ng dalawa na naging magkasintahan din sa huli. Noong sila ay 4th year hayskul na, napag-usapan nila na mag-aaral pa rin sa Saint Joseph College para sa kolehiyo. Simula noon ay hindi na sila naghiwalay – magkasama nilang tinahak ang kolehiyo na baon ang pagmamahal sa isa’t isa. Matapos ang kolehiyo, sinimulan nilang maghanap agad ng trabaho para sa kanya-kanyang pamilya at para sa kanilang dalawa.  Pagkatapos ng ilang taon, napagtanto ni Rolando na hindi niya kayang mabuhay na wala si Sonia at dahil dito inalok niya ng kasal at tinanggap naman ni Sonia ang alok ng kasintahan. Kahit na may mga tampuhan ang dalawa at paminsan-minsan ay napapasubok sa gulo ng agos ng buhay, hindi pumasok sa isip nila ang maghiwalay. At sa Mayo 30, 1979, nagpakasal sila sa mata ng diyos sa simbahan ng Our Lady of Assumption. Namuhay sila na puno ng kagalakan, sa hirap at ginhawa pero sa lahat ng mga nadaramang sakit, ipinaglaban nila ang kanilang pagmamahalan at sa pagmamahalang iyon, nakabuo sila ng tatlong anak – si Sherwin, Shareen at Shamara. Nagsama sila sa loob ng tatlumpong isang taon ngunit ang kanilang pag-iibigan ay naudlot dahil sa hindi inaasahang pangyayari. Namatay si Rolando noong Agosto 24, 2010 dahil sa sakit sa atay at gallbladder at dito gumuho ang mundo ni Sonia. Hindi niya inaasahang kukunin agad ng Diyos ang pinakamamahal niya. Dito nasubok ang pagmamahal ni Sonia, nasubok ang katatagan niya para sa sarili at sa mga anak niya. Pinilit niyang maging matatag para sa mga anak niya kasi alam niyang ito ang gusto ni Rolando para sa kanya at sa pamilya niya – ang maging matatag. Pinangako niya sa sarili niya na simula sa araw na iyon hanggang mamatay siya, si Rolando lang ang mamahalin niya at wala nang iba. Hanggang ngayon ay tumitingin pa rin si Sonia sa mga bituin sabay sabing; “Mamahalin kita magpakailanman, kahit wala ka na”.
          Kung kalian iniisip ko ang kuwento ng pag-iibigan nila, napapaisip ako, “Magkakaroon kayo ako ng ganitong kuwento?”. Aaminin ko na sa lahat ng mga narinig kong kuwento na tungkol sa pag-ibig, ang paborito ko ay ang sa mga magulang ko kahit na malungkot ang pagtatapos ng kuwento nila. Ipinagdadasal ko sa Diyos na kung sino man ang magiging makatuluyan ko, sana hindi siya kunin ng maaga pero ang pangunahing dasal ko sa Diyos ay ang maramdaman ko ang pagmamahal na naramdaman nila sa isa’t isa. Dahil sa kuwento nila, napaniwala nila ako sa kapalaran, napaniwala nila ako sa tadhana at napaniwala nila ako sa tunay na pagmamahal. 

RH Bill: Ikaw ba ay PRO or ANTI?


Isa sa mga isyu ng ating bansa ngayon ay ang tungkol sa pagpasa sa RH Bill. Marami sa ating mga kababayan ang anti-RH Bill ngunit marami ding mga pro-RH bill. Para sa akin, inaamin kong ako ay sumasang-ayon na ipasa ang RH Bill. Napakarami na ang mga opinyon tungkol sa RH Bill at maaaring ang sanaysay na ito’y isa lamang sa mga bumubuo ngayon pero sa totoo lang, nagagalak ako dahil maraming tao na ang nakakapansin at nag-uusap tungkol sa paksang ito kaya nagaganahan na akong ibahagi naman ang opinyon ko ukol dito. Kaya narito na ang mga detalye kung bakit sang-ayon ako sa RH Bill.
Ang pagpasa sa RH Bill ay hindi ibig sabihin na pinupwersa nito ang mga tao upang gamitin ang condom o ang iba’t ibang mga kagamitan sa pagpipigil sa pagbubuntis. Pinoprotektahan lamang ng RH Bill ang karapatan ng mga tao sa pangangalaga ng kanilang kalusugan at ipinagtatanggol nito ang karapatang pantao sa pamamagitan ng pagbibigay kalayaan sa pagpili. Pangalawa, ang kahirapan ay may maraming mga kadahilanan, hindi lamang ang katiwalian na pangunahing pinaniniwalaan natin, at kinikilala ito ng RH Bill. Sa Filipinas ngayon, alam nating lahat na maraming tao ang nalulubog sa kahirapan. Isa ito sa mga rason kung bakit importante ang RH Bill – pinipigilan at kinokontrol nito ang problema natin sa overpopulation sa pamamagitan ng pagkontrol ng panganganak ng marami lalo na sa mga mahihirap na pamilya. Pangatlo, binibigyan ng RH Bill ang mga mag-asawang mahihirap ng pagpipilian para sa pagpaplano ng pamilya(responsible parenting) na maaring makatulong sa pamumuhay ng ina at mga anak. Pang-apat, ang RH Bill ay nagsasaad ng mandatoryong sex education mula Grade 5 hanggang sa ika-4 na taon sa hayskul. Importante ito para sa atin kasi para mas maliwanagan ang mga kabataan natin ngayon sa mga bagay-bagay na maselan. Sa kasalukuyan, ang karamihan sa mga kabataan ngayon ay pumapasok na sa mga romantikong relasyon at baka dahil lang sa isang maling sekswal na desisyon, maraming mga batang babae at lalaki ang maaaring mawalan ng kanilang kinabukasan at kung minsan ang kanilang buhay.  Marami ding mga estudyante ang nagsasabing mas okey kung sa paaralan ituturo ang sex education kasi mas naiintindihan nila ito at mas hindi nakakahiyang pag-usapan kesa sa kung mga magulang ang kausap.
Sa tingin ko marami na din naman akong nasabi tungkol sa opinyon ko sa RH Bill. Sa pananaw ko, kailangan talaga pag-isipan ng mabuti kung ikaw ba ay sang-ayon or hindi sa RH Bill. Dapat iriserts ng maigi kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng RH Bill at huwag magpapaniwala sa mga hindi naman makatotohanan na mga datos at huwag magpadala sa kung ano ang sasabihin ng iba. Dapat pag-aralan at isipin ng maayos ang tungkol sa pagpili ng iyong desisyon dahil sa pagtatapos ng araw, ang desisyon ay wala sa iba kundi ito’y nasa iyong mga kamay. Kaya kung tatanungin kita, sang-ayon ka ba o hindi?